Saturday, October 16, 2010

kristofer martin clarefies statement about not wanting to be like Enchong Dee

Sa panayam kay Kristoffer Martin ng ilang reporters sa press conference ng Reel Love presents Tween Hearts noong September 20, tila nalagay sa alanganing sitwasyon ang tween star nang tanungin kung gusto ba niyang maging katulad ng Kapamilya actor na si Enchong Dee.

Nagtawanan kasi ang mga kaharap niyang reporters nang mapasagot ang binata na ayaw niyang maging isang Enchong Dee, lalo na nang mabanggit nitong ayaw niyang mapagtsismisan din siyang isa siyang bading.

Lumabas sa ilang tabloid ang sinabi ni Kristoffer, kaya gusto ng binatilyo na linawin ito, bago pa siya pag-initan ng mga fans ni Enchong.

"Naku, ayaw ko na po palakihin yung issue. Baka awayin pa ako ng fans ni Enchong Dee," bungad nga ni Kristoffer nang makausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) noong September 26, sa GMA-7 Building.

"Wala naman kasi akong masamang ibig sabihin nang sabihin ko yun," patuloy ni Kristoffer. "Sabi ko kasi bukod sa pag-aartista, varsity swimmer din ako sa school namin sa St. Joseph sa Olongapo City.

"Kaya tinanong ako kung gusto ko raw rin ba maging katulad ni Enchong Dee, kasi varsity swimmer din siya ng school nila.

"'Tapos sabi ko , 'Anong maging?' 'Tapos natawa sila. Kaya sabi ko, 'Ayoko. Kasi, di ba, natsitsismis siyang bading?' tanong ko sa kanila. 'Tapos natawa sila ulit.

"After ko sabihin yun, sabi nila, 'Hala isusumbong ka namin kay Enchong!' Hindi ko naman po inaakala na lalabas po yun. Totoo naman po, di ba, natsitsismis siyang ganun? Kaya ayoko namang matsismis na bading. Pero wala naman akong masamang ibig ipakahulugan dun.

"Wala naman pong lalaking gustong matsismis na bading, di ba?" tuluy-tuloy na paliwanag ni Kristoffer.

"Pero kung acting at acting po ang pag-uusapan, saludo ako kay Enchong, kasi marami na siyang napatunayan pagdating sa acting dahil magaling siyang actor. Kaya naman po hindi siya nawawalan ng project sa ABS-CBN dahil magaling siyang artista."

Maging sa pagiging swimmer ay hanga rin daw si Kristoffer kay Enchong.

"Kung tungkol sa naabot niya sa sports na swimming, gusto ko ring makapaglaro sa international [competitions] kagaya niya, at manalo. Dahil sa local swimming events pa lang ako naglalaro at sinusuwerte namang nanalo kahit papano. Bukod sa marami na siyang napanalunang medals. Ako, konti pa lang."

Malaki raw ang paghanga ni Kristoffer kay Enchong kaya't nais na lamang niyang huwag nang palakihin ang nabanggit niya sa harap ng mga umiinterbyu sa kanyang reporters sa presscon ng Tween Hearts.

"'Wag na lang po nating palakihin yung issue, kahit hindi pa kami nagkikita ni Enchong alam kong mabait siyang tao katulad ng mga naririnig ko tungkol sa kanya."

Ipinalabas na ang Tween Hearts nitong nakaraang Linggo, September 26. Balitang mataas ang nakuha nitong rating. Ano ang masasabi niya rito?

"Happy. Sobra-sobrang saya po. Kasi lahat kami kinakabahan, kasi first time naming nagsama-sama sa isang show, ito ngang Tween Hearts kaya di namin alam kung tatanggapin ba kami ng mga manonood o hindi.

"Pero nang makarating nga sa amin yung balita na mataas yung ratings namin at tinalo yung katapat na shows, ang sarap-sarap ng feeling, at nawala na sa dibdib namin yung kaba.

"Ibig po kasing sabihin, inabangan talaga nila kami. Sana lang po, nagustuhan nila yung first episode namin para subaybayan pa nila yung mga susunod pang episode. At sana panoorin pa nila yung lahat ng episodes ng Tween Hearts dahil habang tumatagal yung show, mas lalong gumaganda pa. Dahil lahat kami dito, may kanya-kanyang istorya na dapat nilang abangan," buong-pagmamalaking pahayag pa ni Kristoffer.

Tinanong ng PEP kung tuloy nang si Lexi Fernandez ang magiging ka-love team niya.

"Hindi ko pa po alam. Bale sa Tween Hearts kasi, dalawa sila ni Joyce Ching ang ka-partner ko. Pero may mga nagsasabi na bagay raw kami ni Lexi, may nagsasabi rin naman na bagay kami ni Joyce."

Pero meron din daw mga fans na gustong sila ni Kristal Reyes ang gawing love team.

"Sa akin naman po kung sino ang ibigay sa akin ng GMA-7, nina Ma'am Annette Gozon-Abrogar, wala pong problema sa akin. At siguro po kung sino ang gusto ng mga fans na ipareha sa akin.

"Ang mahalaga naman po sa akin may trabaho ako. Kasi open book naman po na isang taon at kalahati rin po akong nawalan ng trabaho noon. Kaya naman mas mahalaga sa akin ang magkaroon lagi ng trabaho, dahil ayoko talagang nababakante."

Desidido raw siyang magtrabaho nang maayos para hindi na mabakante uli.

" Nagpapasalamat nga ako sa manager ko at sa GMA-7, kay Ma'am Annette, kasi di pa man natatapos ang Endless Love, Autumn in My Heart, may kasunod na kaagad akong project, ito ngang Tween Hearts na mapapanood ng three months.

"Hopefully sana po magkaroon din ako ng pang-hapong drama o kaya pang-primetime na drama. Kasi gusto ko na mapanood ako ulit ng mga tagahanga ko sa primetime," hiling ni Kristoffer.

No comments:

Post a Comment